Bernadette Neri, Pinarangalan ng 2012 MM Pride March ng Gawad Ikaklit

Standard

Image

Isinulat ni Joyce Rochelle Montañano

Nitong Disyembre 8 ay naganap ang 2012 Metro Manila Pride March sa Makati City. Ito ay parada ng mga lesbian, gay, bisexual at transgender sa Maynila na may layuning i-promote ang LGBT Community.

Dito ay pinarangalan si Bernadette V. Neri, isang assistant professor sa University of the Philippines – Diliman at awtor ng librong may temang lesbian na ang title ay: “Ang Ikaklit sa Aming Hardin”. Ang tawag sa kanyang parangal ay “Gawad Ikaklit” na hango sa pangalan ng kanyang libro.

“Gulatan lang, ‘te!” laman ng mobile text sa akin ni Neri matapos niyang matanggap ang kanyang parangal.

Pero bago pa man siya naparangalan ay nagkaroon na ako ng pagkakataon na ma-interview siya.

Una kong natanong sa kanya kung gaano katanggap ang kanyang sekswalidad sa kanyang propesyon. Gaano siya katanggap ng kanyang mga estudyante at guro bilang isang lesbyana?

“Mapalad ako na sa UP ako nagtuturo.Nasa community ako na kung saan medyo tanggap ang ganitong oryentasyon. Bukas naman doon (sa UP) ang iba’t-ibang uri ng oryentasyon. Kaya ‘yun ang advantage noon sa akin.”

Gaano nga ba siya ka-open sa kanyang mga estudyante?

“Alam naman ng lahat eh. Nagtuturo ako ng PanPil 19: Panitikan, Kasarian at Sekswalidad. Isa itong kurso na mala-gender sensitivity training dahil tinatalakay rito ang mga isyung pangkasarian at seksuwalidad pero sa pamamagitan ng mga tekstong pampanitikan. Kaya bukas na bukas ako sa sekswalidad ko, walang ni kaunting pagkukubli,” nakangiting sambit ni Neri.

“Pero syempre, hindi naman po siguro lahat ng itinuturo niyo eh related sa homosexuality. Siguro naman may iba rin kayong subject na itinuturo bukod sa PanPil. So kahit ba unrelated sa homosexuality ang itinuturo niyo, nao-open niyo pa rin po ba sa mga estudyante niyo ang inyong pagiging lesbian?” muli kong tanong.

“Lahat naman ng bagay, magkakaugnay eh. Kaya napag-uusapan pa rin kapag hinihiling ng pagkakataon.”

Sa kanyang pagiging open sa kanyang sekswalidad, nahihingan kaya siya ng payo ng kanyang mga lesbyanang estudyante?

“Hindi naman actually pagpapayo ang hinihingi nila, kung minsan kasi naghahanap lang sila ng makakausap. Alam naman nila talaga ‘yung dapat nilang gawin sa mga problema nila, kaso wala silang makausap. Gusto lang nilang mailabas ‘yung hinanakit nila. Tapos kapag nalaman nila na ganoon din ako (isa ring lesbyana), nag-oopen na sila. Pero meron din naman na iba ang dating, ‘yung parang nangha-harass.”

Kung may mga estudyanteng nangha-harass sa kanya, may nang-aakit din kaya?

“Ay… Oo… meron… Pero lalaki siya, so talagang walang dating sa akin. Tibo nga ako eh! Hindi keri,” natatawa niyang sagot.

Eh babaeng estudyante, meron?

“Ay wala pa! Walang nagtatangka! Tsaka may partner din ako kaya hindi masyadong usapin ‘yung mga ganoong bagay. Kasi nga committed na ako.”

Tinanong ko kung gaano na sila katagal ng kanyang partner at kung ano ang kanyang propesyon.

“Five years na kami. Teacher din siya.”

Napag-usapan namin ang kanyang librong “Ang Ikaklit sa Aming Hardin”. Ito ay self published. Ang kanyang sariling publikasyon ay pinangalanan niyang “Publikasyong Twamkittens”  na hango sa pangalan ng kanyang mga alagang pusa.

Hango nga ba sa kanyang personal na karanasan ang kanyang librong isinulat?

“Hango ang ideya sa karanasan ng iba. May nakilala kasi akong matandang lesbian couple dati, at naging palaisipan sa akin kung ano-ano ang mga hinarap na hamon ng kanilang pamilya lalong-lalo na ng kanilang anak.”

“Ah so hindi rin ito ‘yung eksaktong istorya nila? Talagang pinagbasihan mo lang ang buhay nila? So fiction pa rin ito (ang libro niya)?” panlilinaw ko.

“Oo. Fiction ‘yan.”

May plano nga kaya sila ng partner niya na magkaroon din ng anak?

“Ahm… marami kaming pet.”

SAM_0775

 

SAM_0772

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s